STARBOOKS NEWS

1 unit ng STARBOOKS Digital Library, ipinagkaloob ng DOST Region 9

September 30, 2025

by Shaider

Ipinagkaloob sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Office o PSTO-Zamboanga Sibugay, ang isang yunit ng Science and Technology Academic Research-Based Openly Operated Kiosks Station o STARBOOKS digital library sa Noque Elementary School sa bayan ng Olutanga, Zamboanga Sibugay noong Setyembre 27, 2025.

Ang turnover ceremony ay dinaluhan ng lokal na pamahalaan ng Olutanga sa pangunguna ni Mayor Arthur Ruste Sr.; mga guro ng Noque Elementary School sa pangunguna ni Ginoong Rogie Ruiz, school head; mga miyembro ng Noque United Coconut Farmers Association (NUCFA) sa pamumuno ni Ginang Elizabeth Lamberte; at mga tauhan ng Provincial Science and Technology Office ng Zamboanga Sibugay.

Matapos ang seremonya, isinagawa ng mga tagapagturo at ICT coordinator ng Noque Elementary School ang oryentasyon tungkol sa tamang paggamit at operasyon ng STARBOOKS system.

Ang pamamahagi ng STARBOOKS digital library ay bahagi ng package of assistance ng DOST na ibinigay sa Noque United Coconut Farmers Association may kaugnayan sa nagpapatuloy na proyekto sa ilalim ng Grants-In-Aid (GIA) program.

Ang STARBOOKS ay isang offline library-in-a-box na naglalaman ng libu-libong digital resources sa iba-ibang science and technology-based educational learning areas ng K-12 materials, investigatory projects, agriculture, math and science educational videos, at audio format.

Source: https://mindanaochronicles.com/?p=11897...